WanderlAnge

WanderlAnge
C'est la vie mon ange. πŸ’–πŸ”₯
Showing posts with label short story. Show all posts
Showing posts with label short story. Show all posts

Monday, August 15, 2011

[Crea Ruet's Corner] Rice Coffee


           Paperworks. Contracts to deal with. Raw materials needed to be purchased. Ito na ang naging buhay ko sa nakaraang limang taon mula nang malipat at maging head ako ng Procurement Department. At ngayon, kailangan ko ang serbisyo ng aking subordinate para sa pagbili ng tatlong toneladang ubas mula sa ibang bansa. Sabado na at kailangan na itong mabili bago dumating ang nalalapit na deadline.
nbsp;          “Marion, meet me tomorrow at St. Peter’s Patisserie 8 in the morning,” wika ko sa isang subordinate habang ni-rereview ang contracts ng iba’t ibang kompanya.
“But Ma’am Torres, ka-buwanan na po ng asawa ko, anumang oras maaari na siyang manganak,” tugon niya na nangangatal ang boses.
“No ‘buts’! I need you tomorrow 8 AM!”
Tatlumpung minuto bago ang napag-usapan naming oras ay dumating na ako sa sinabi kong patisserie. Umorder na ako ng paborito kong inumin, isang tasa ng kapeng barako. Tuwing ako ay nasa trabaho ito ang madalas kong inumin.
Nakakatatlong tasa na ako ng kape ngunit hindi pa rin dumarating ang subordinate ko. Hndi niya ba alam kung gaano kahalaga ang bawat segundo? Tinignan ko ang isang lumang gradfather’s clock sa loob ng patisserie, alas otso y media na!
“Marion, bakit wala ka pa dito? Ang usapan natin alas-otso pa lang dapat nandito ka na! Kalahating oras na ang lumipas hindi ka pa rin dumarating. May pagpapahalaga ka ba sa trabaho mo?”
“Ma’am Torres, pasensiya n po ‘di na ako makakapunta, nasa delivery room po ngayon ang asawa ko, nasa peligro ang kalagayan niya at ng anak ko.”
“Aba, uunahin mo pa ba ‘yan? E kung ‘di dahil sa trabaho mo madadala mo ba sa ospital iyang asawa mo? Kung hindi ka pupunta ngayon, bukas na bukas din gusto kong makita sa desk ko ang resignation letter mo!”
Impertinente, walang utang na loob! Hndi ko kailangan ng isang tulad niya sa departamento ko. Sa sobrang galit ay nainom ko ng walang lagukan ang kape nang ‘di iniinda ang init nito. Hindi ako makakaabot sa deadline kung pag-aaksayahan ko pa ng panahon ang  taong iyon. Kailangan ko pa ng isang tasa ng kape upang makapagtrabaho ng maayos.
“Hi Ma’am here is your hot rice coffee, served with bittersweet chocolate eclairs.”
“I ordered for a cup of barako coffee, not this! Baka sa ibang customer niyo ‘yan.”
“Pero ma’am sa inyo po ito.”
“Two weeks na akong nagkakape sa patisserie niyo, never akong umorder ng gan’to! Alam mo bang allergic ako sa chocolate, lalo na’t bittersweet? Gusto mo bang patayin ako ha?”
“Pero ma’am, sa inyo po talaga ito, kayo pa lang po ang customer namin.”
“Kung ganun, ang dapat sa’yo sinisisante, hindi ka marunong makinig sa order ng customer! Kanina pa ako umoorder ng barako coffee dito tapos bigla mo akong hahainan ng isang nakamamatay na eclair at isang cheap na kape? Tawagin mo ang boss mo ngayon ‘din!”
“Ma’am maawa na po kayo, pag-usapan na lang po natin ito.”
“No! I want to talk to your boss,now!”
Hindi na nga pumunta ‘yung ka-meeting ko, palpak pa ang serbisyo ng patisserie na ‘to. Magaling! Ano pa kayang kamalasan ang susunod na mangyayari sa ‘kin?
Natuon ang pansin ko sa kapeng ihinain sa akin. Kapeng bigas. Minsan itong naging inuming nakakapagpasigla at nagbibigay-lakas sa ‘kin. Pinakamahalagang inumin sa ‘king buhay. Ngunit hindi na ngayon buhat nang magtapos ako ng kolehiyo dahil sa isang pangyayari dalawampu’t pitong taon na ang nakalilipas. Sariwa pa rin iyon sa ‘kin alaala na para bang kahapon lang nangyari. Mga alaalang pilit kong kinakalimutan sa loob ng halos tatlumpung taon. Bakit nga ba nagkaganoon?
Lahat ng kung ano ako ngayon ay dahil sa isang lalaking nagngangalang Cedrick. Nakilala ko si Cedrick nang lumuwas ako ng Maynila upang mag-aral ng kursong Food Technology. Magkaiba kami ng kurso, sapagkat HRM ang kinukuha niya. Magkaiba man ng kurso, nakakapag-usap kami sapagkat pareho kami ng sinalihang club kung kaya’t nagkalapit kami at nakilala ang isa’t isa. Mas lalo pa kaming napalapit sa isa’t isa mula nang sumali siya sa choir ng simbahan kung saan ako ay kumakanta.
Kapag kami ay nas pamantasan, sabay kaming kumakain, minsan pati rin sa pag-aaral lalo na ‘pag malapit na ang pagsusulit. Tuwing uwian at kailangang mag-ensayo para sa simbahan, sabay kaming nagpupunta. Halos si Cedrick na ang kasama ko, sa pamantasan man o sa simbahan. Sa bawat lakad isinasama rin namin ang isa’t isa.
Minsan, habang nag-aaral kami sa bahay nila, nagpatimpla ako sa kanya ng kape. Umuulan rin kasi ng mga panahong iyon kung kaya ko ginustong uminom ng mainit. Halos isang oras na ang lumipas bago niya naibigay sa ‘kin ang pinatimpla kong kape.
“Claire, eto na ‘yung kape mo, plus your favorite bittersweet chocolate eclair,” wika ni Cedrick nang nakangiti habang nilalapag niya ang minandal sa mesa.
“Naku, bakit naman ang tagal niyang dumating?”
“Aba, special po kasi ‘yang coffee na ‘yan Ms. Torres. Siguradong hindi niyo po pagsisisihang hinintay niyo ang kape de Cedrick.”
“Hay naku, o sige na nga po Mr. Santiago, heto’t iinumin ko na ang ipinagmamalaki niyong kape de Cedrick.”
Sa unang higop ko ng kae, nagdulot iyon ng kakaibang pakiramdam, napakagaan. Kakaiba rin ang samyong nalalanghap ko mula sa kapeng ito, iba sa nakasanayang kape. Payak ngunit masasabing natatangi. Sa tanang buhay ko noon lamang ako nakatagpo ng ganoong klase ng kape.
“Anong klaseng kape ito?”, tanong ko kay Cedrick.
“Isa ‘yang kapeng bigas. Ang lola ko ang nagturo sa ‘kin ng paggawa niyan noong nasa Samar pa kami.”
“Ibang klase, ang sarap!”
“Gusto mo ipagtimpla kita niyan tuwing mag-aaral tayo?”
“O sige ba! Salamat Cedrick!”
Gaya ng ipinangako niya, ipinagtitimpla niya ako ng kapeng bigas sa tuwing nag-aaral kami sa bahay nila. Kapag nasa pamantasan kami o kaya ay sa bahay namin kami nag-aaral, nagdadala siya ng maliit na termos na may lamang mainit na kapeng bigas.
Hindi ko maipaliwanag, ba’t nga ba ganon? Sa tuwing kasama ko siya, kakaibang saya ang aking nadarama, na para bang ayaw ko nang matapos ang bawat araw. Oras-oras, bawat minuto, siya ang naging laman ng isip ko, na para bang hindi na magwawakas ang ligayang nadarama ko. Iyon ang inakala ko.
Nang minsang papunta ako sa choir room ng simbahan, narinig kong tinutugtog doon ang piyesang “River Flows In You”. Alam kong siya ang nandoon, sapagkat minsan niya nang tinugtog iyon sa ‘kin, at siya lang ang may kayang tugtugin ‘yun. Dali-dali akong tumakbo papunta sa silid sa pag-aakalang siya lang ang tao doon. Ngunit nang bubuksan ko na ang pinto, narinig ko ang tinig ng isang humahagikgik na babae, kasama ng tinig ni Cedrick. Binuksan ko nang bahagya ang pintuan at sinilip kung sino ang kasama niya. Habang pinagmamasdan ko ang nakangiting mukha ng babae, may sumagi sa aking isipan. Nakita ko na ang babaeng yaon sa mga larawan ni Cedrick noong siya’y musmos pa lamang. Hindi ako maaaring magkamali, siya si Agnes, ang kababata ni Cedrick na minsan na niyang naikuwento sa ‘kin.
Napansin ko mula ng dumating si Agnes sa Maynila, unti-unting nagbago ang pakikitungo sa ‘kin ni Cedrick. ‘Di na ganun kadalas ang pagkikita namin. Bibihira na lang kaming mag-aral nang sabay. Hindi na rin niya ako sinusundo kapag nag-eensayo sa simbahan. Lahat nagbago ng dahil kay Agnes.
Gusto kong itanong sa kanya kung ba’t siya nagkaganun, na para bang binabalewala na niya ako. Hindi naman siya ganun dati. Kailangan kong maliwanagan sa mga nangyayari, kung kaya’t minabuti kong kausapin na siya. Minsan araw ng Linggo, inagahan ko ang pagpunta sa simbahan upang kausapin na siya nang masinsinan. Hindi ko alam kung tama lang bang hingan siya ng paliwanag. Basta, gusto kong marinig ang panig niya kung bakit siya nagkakaganon.
Pagkabukas ko ng pinto ng choir room, laking gulat ko nang bumungad sa ‘kin ang isang tagpo— yakap-yakap ni Cedrick at Agnes ang isa’t isa. Nanlambot ang tuhod ko sa nakita ko. Biglang gumuho ang mundo ko. Tumakbo ako palayo sa silid na ‘yun. ‘Di ko kaya ang sakit. Sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, nadapa ako sa kakatakbo. Naramdaman ko na lang na may humawak sa balikat ko.
“Claire, hayaan mo akong magpaliwanag.”
“’Di mo na kailangang magpaliwanag, malinaw na sa ‘kin ang lahat! Bitiwan mo ako, ayoko nang makita ka pa!”
“Please Claire, pakinggan mo ako!”
“Hindi mo ako kasintahan para pagpaliwanagan kaya umalis ka na!”
Itinulak ko siya gamit ang lahat ng lakas na mayroon ako nung mga oras na ‘yun. Tuluyan na na akong lumabas ng simbahan na mabigat ang pakirandam at umuwi. Para akong pinagsakluban ng lupa at langit!
‘Di ko namamalayang nangingilid na ang luha ko habang nakatingin sa maling kapeng ihinain sa ‘kin. Tuluyan nang umagos ang luha ko nang marinig ko ang piyesang “River Flows In You” na umaalingawngaw sa loob ng patisserie. Napahagulgol na ako sapagkat nanariwa nang tuluyan ang sakit.
“Rice coffee ma’am?”, wika ng isang pamilyar na tinig.
Ang tinig na iyon. Ang malalim na tinig na iyon. At ang samyo niyang nagdudulot ng kakaibang  pakiramdam na dumadaloy na wari’y mo’y hanging amihan na nakakapagpabagyo ng damdamin, nakakabaliw. Nilingon ko ang taong nag-aalok ng kapeng bigas upang patunayan ang aking hinala. Hindi ako nagkamali. Si Cedrick. Isang Cedrick na may kaputian na ang buhok, bakas ang paglipas ng panahon sa kanyang maamo at makisig na mukha, at nakasuot ng puting damit na panluto. Marahil siya ay isa sa mga patissier.
“Kailangan ko nang umalis sa low-class patisserie ninyo. I’ll just send my lawyer for—”
“For what Ms. Clara Torres?” tanong niya habang nakangiti na parang nakakaloko.
“Frustrated murder! Alam mo bang hinainan ako ng eclair! Allergic ako dun! Napakapangit pa ng serbisyo niyo! I ordered for a cup of barako coffee not a cheap rice coffee!”
“Sa pagkakatanda ko wala kang allergies. In fact, eclair is your favorite pastry.”
“Not anymore since graduation! I need to go now.”
Dali-dali kong kinuha ang mga gamit ko at tinungo ang pinto ng patisserie. Ikinandado pala nila ang pinto. Magaling! Nasilo na naman ako sa patibong niya, at isinama pa ang mga tauhan ng patisserie! Wala pa rin siyang ipinagbago. Mapaglalang.
“Twenty-seven years, Claire. Ganun na katagal na ‘di kita nakita. Sa loob ng panahong iyon, ikaw lang ang laman ng puso ko, ang minahal at tanging mamahalin ko. Please, let me show you what I really feel for you.”
“Tama na Cedrick, ayoko nang marinig pa ang mga sasabihin mo. Ayoko nang madagdagan ‘yung sakit na nadama ko ng dahil sa’yo. Maayos na ang buhay ko, please patahimikin mo na ako.”
“Hayaan mong itama ko ang pagkakamali ko. Please Claire.”
“Akala mo ba ganun lang kadali ‘yun? Hindi! Napakasakit ng ginawa mo. Buong akala ko ako ang mahal mo, ‘yun pala hindi. Si Agnes pa rin ang nasa puso mo!”
“Nagkakamali ka! Nung huling araw na nakita mo kaming magkasama ni Agnes, nilinaw ko sa kanya kung anong meron sa ‘min, at kung ano ka sa ‘kin. Mahal kita, Claire.”
Natigilan ako sa sinabing ‘yun ni Cedrick. Naramdaman ko na lang ang init ng yakap niya habang kinukulong niya ako sa mga matitipuno niyang bisig. ‘Di ko mapaliwanag ang nararamdaman ko. Para bang nawala ang isang malaking punyal na nakatarak sa ‘king dibdib. Napakagaan. Tulad ito ng nararamdaman ko nung kami’y nagkakilala, ngunit higit pa. Dinig ko ang tibok ng puso niya sa kanyang dibdib, malakas, mabilis at  may ritmo na tila musika sa ‘king tainga. Ramdam ko rin ang init sa buntong-hiningang ginagawa niya, dumadaloy na parang kuryente sa ‘king kalamnan.
“Hayaan mong mahalin kita, Claire.”
“I will.”
WAKAS