WanderlAnge

WanderlAnge
C'est la vie mon ange. πŸ’–πŸ”₯

Tuesday, September 20, 2011

Tipping Point

       This is it.:( Malapit nang bumigay ang puso ko, sobrang sakit kasi e. Emo ko lang talaga siguro. maybe in time matatanggap ko rin na di ako ang gusto niya, in time... Kaya ko 'to, sana~ Kasi kapag napapatingin ako sa mukha niya, nararamdaman ko yung sakit na dulot ng katotohanan. I need to deal with it. Katulad nung kay ******, mukhang kakailanganin ko na naman ng another 4 years para malampasan ito. Sinusuppress ko kasi 'yung kalungkutan ko kaya eto, malapit nang sumabog, konti na lang. can't find time to cry kasi. kapag sa bahay, andoon si mama at si papa. 'Pag hihintayin kong makatulog sila, ako pa mauunang matulog sa kanila. Kapag gusto ko nang umiyak kay Pau, 'di ko na magawa. Ano ba, gusto ko na talagang umiyak, pero feeling ko hindi pa dapat ngayon kasi sayang sa oras, kailangan ko ring bumawi sa school. Ang laki ng ginawa kong pagpapabaya ng dahil sa kanya, dahil sa emosyon kong ito. Kailangan ko nang itigil 'to, ang sakit niyang ibigin. 'Di ko akalaing ganito pala siya mahalin. Konti na lang talaga mapapagod na ako, kaya dapat ngayon pa lang itigil ko na itong kahibangan kong ito. Stick to reality. Iba ang gusto niya, hindi ako, at huwag na dapat akong umasa pang magkakagusto siya sa 'kin. Napaka-feelingera ko naman, as if magkakagusto siya sa katulad kong pangit, weak at engot. Kumpara naman ako sa babaeng gusto niya, maganda, tsaka matalino. Wala akong panama dun. Kailangan nang magpahinga ng puso kong ito.:(

Tuesday, August 23, 2011

TURMOIL


Sobrang naguguluhan talaga ako ngayon sa mga nangyayari. After ng prelims okay naman, tapos biglang siya mag-iiba. Dahil sa 'di ko makaya yung ginagawa niya, tinatabla ko. And then okay na naman. Pagkatapos may gagawin na naman siyang kalokohan na nakakasakit sa 'kin, ewan ko kung pansin niya 'yun. Tapos tatablahin ko na naman. Ano 'to, paulit-ulit na lang? Kung sa bagay, wala akong karapatang mag-reklamo, wala namang kung anong kakaiba meron sa 'ming dalawa. Assuming lang ata ako e, ni 'di niya nga 'ata alam na may gusto ako sa kanya. Well, mabuti nang wala siyang alam. Pero, ba't pansin ko parang paulit-ulit na lang ang nangyayari? Masyado lang ba akong nag-iisip o tama ba 'tong nakikita ko? Ay ewan. Sa dinami-dami ba naman kasi ng magugustuhan ko siya pa? Gusto kong kalimutan pero ang hirap,bakit? Nakakainis, ang gulo-gulo! Gusto kong umasa, pero mali. hindi tama. Ang hirap talaga~ Gusto kong umiyak, pero sa anong dahilan? Ang gulo talaga! Sa ngayon, kailangan kong pigilan 'tong nararamdaman ko, parang 'di tama e. Ayokong ma-take for granted. Ayokong gawin niya sa 'kin 'yun, kasi ayokong maging bitter sa kanya.
"Bakit ikaw pa ang napili
Ngayon ang puso ko ay sawi
Kay simple lang ng aking hiling
Na madama mo rin ang pait at pighati

Sana'y magmilagro
Mabalik ko
Mali ay maiderecho
Pinagdarasal ko sa'king puso
Na mabura na sa isip ko"
-Porque, Maldita

Monday, August 15, 2011

[Crea Ruet's Corner] Rice Coffee


           Paperworks. Contracts to deal with. Raw materials needed to be purchased. Ito na ang naging buhay ko sa nakaraang limang taon mula nang malipat at maging head ako ng Procurement Department. At ngayon, kailangan ko ang serbisyo ng aking subordinate para sa pagbili ng tatlong toneladang ubas mula sa ibang bansa. Sabado na at kailangan na itong mabili bago dumating ang nalalapit na deadline.
nbsp;          “Marion, meet me tomorrow at St. Peter’s Patisserie 8 in the morning,” wika ko sa isang subordinate habang ni-rereview ang contracts ng iba’t ibang kompanya.
“But Ma’am Torres, ka-buwanan na po ng asawa ko, anumang oras maaari na siyang manganak,” tugon niya na nangangatal ang boses.
“No ‘buts’! I need you tomorrow 8 AM!”
Tatlumpung minuto bago ang napag-usapan naming oras ay dumating na ako sa sinabi kong patisserie. Umorder na ako ng paborito kong inumin, isang tasa ng kapeng barako. Tuwing ako ay nasa trabaho ito ang madalas kong inumin.
Nakakatatlong tasa na ako ng kape ngunit hindi pa rin dumarating ang subordinate ko. Hndi niya ba alam kung gaano kahalaga ang bawat segundo? Tinignan ko ang isang lumang gradfather’s clock sa loob ng patisserie, alas otso y media na!
“Marion, bakit wala ka pa dito? Ang usapan natin alas-otso pa lang dapat nandito ka na! Kalahating oras na ang lumipas hindi ka pa rin dumarating. May pagpapahalaga ka ba sa trabaho mo?”
“Ma’am Torres, pasensiya n po ‘di na ako makakapunta, nasa delivery room po ngayon ang asawa ko, nasa peligro ang kalagayan niya at ng anak ko.”
“Aba, uunahin mo pa ba ‘yan? E kung ‘di dahil sa trabaho mo madadala mo ba sa ospital iyang asawa mo? Kung hindi ka pupunta ngayon, bukas na bukas din gusto kong makita sa desk ko ang resignation letter mo!”
Impertinente, walang utang na loob! Hndi ko kailangan ng isang tulad niya sa departamento ko. Sa sobrang galit ay nainom ko ng walang lagukan ang kape nang ‘di iniinda ang init nito. Hindi ako makakaabot sa deadline kung pag-aaksayahan ko pa ng panahon ang  taong iyon. Kailangan ko pa ng isang tasa ng kape upang makapagtrabaho ng maayos.
“Hi Ma’am here is your hot rice coffee, served with bittersweet chocolate eclairs.”
“I ordered for a cup of barako coffee, not this! Baka sa ibang customer niyo ‘yan.”
“Pero ma’am sa inyo po ito.”
“Two weeks na akong nagkakape sa patisserie niyo, never akong umorder ng gan’to! Alam mo bang allergic ako sa chocolate, lalo na’t bittersweet? Gusto mo bang patayin ako ha?”
“Pero ma’am, sa inyo po talaga ito, kayo pa lang po ang customer namin.”
“Kung ganun, ang dapat sa’yo sinisisante, hindi ka marunong makinig sa order ng customer! Kanina pa ako umoorder ng barako coffee dito tapos bigla mo akong hahainan ng isang nakamamatay na eclair at isang cheap na kape? Tawagin mo ang boss mo ngayon ‘din!”
“Ma’am maawa na po kayo, pag-usapan na lang po natin ito.”
“No! I want to talk to your boss,now!”
Hindi na nga pumunta ‘yung ka-meeting ko, palpak pa ang serbisyo ng patisserie na ‘to. Magaling! Ano pa kayang kamalasan ang susunod na mangyayari sa ‘kin?
Natuon ang pansin ko sa kapeng ihinain sa akin. Kapeng bigas. Minsan itong naging inuming nakakapagpasigla at nagbibigay-lakas sa ‘kin. Pinakamahalagang inumin sa ‘king buhay. Ngunit hindi na ngayon buhat nang magtapos ako ng kolehiyo dahil sa isang pangyayari dalawampu’t pitong taon na ang nakalilipas. Sariwa pa rin iyon sa ‘kin alaala na para bang kahapon lang nangyari. Mga alaalang pilit kong kinakalimutan sa loob ng halos tatlumpung taon. Bakit nga ba nagkaganoon?
Lahat ng kung ano ako ngayon ay dahil sa isang lalaking nagngangalang Cedrick. Nakilala ko si Cedrick nang lumuwas ako ng Maynila upang mag-aral ng kursong Food Technology. Magkaiba kami ng kurso, sapagkat HRM ang kinukuha niya. Magkaiba man ng kurso, nakakapag-usap kami sapagkat pareho kami ng sinalihang club kung kaya’t nagkalapit kami at nakilala ang isa’t isa. Mas lalo pa kaming napalapit sa isa’t isa mula nang sumali siya sa choir ng simbahan kung saan ako ay kumakanta.
Kapag kami ay nas pamantasan, sabay kaming kumakain, minsan pati rin sa pag-aaral lalo na ‘pag malapit na ang pagsusulit. Tuwing uwian at kailangang mag-ensayo para sa simbahan, sabay kaming nagpupunta. Halos si Cedrick na ang kasama ko, sa pamantasan man o sa simbahan. Sa bawat lakad isinasama rin namin ang isa’t isa.
Minsan, habang nag-aaral kami sa bahay nila, nagpatimpla ako sa kanya ng kape. Umuulan rin kasi ng mga panahong iyon kung kaya ko ginustong uminom ng mainit. Halos isang oras na ang lumipas bago niya naibigay sa ‘kin ang pinatimpla kong kape.
“Claire, eto na ‘yung kape mo, plus your favorite bittersweet chocolate eclair,” wika ni Cedrick nang nakangiti habang nilalapag niya ang minandal sa mesa.
“Naku, bakit naman ang tagal niyang dumating?”
“Aba, special po kasi ‘yang coffee na ‘yan Ms. Torres. Siguradong hindi niyo po pagsisisihang hinintay niyo ang kape de Cedrick.”
“Hay naku, o sige na nga po Mr. Santiago, heto’t iinumin ko na ang ipinagmamalaki niyong kape de Cedrick.”
Sa unang higop ko ng kae, nagdulot iyon ng kakaibang pakiramdam, napakagaan. Kakaiba rin ang samyong nalalanghap ko mula sa kapeng ito, iba sa nakasanayang kape. Payak ngunit masasabing natatangi. Sa tanang buhay ko noon lamang ako nakatagpo ng ganoong klase ng kape.
“Anong klaseng kape ito?”, tanong ko kay Cedrick.
“Isa ‘yang kapeng bigas. Ang lola ko ang nagturo sa ‘kin ng paggawa niyan noong nasa Samar pa kami.”
“Ibang klase, ang sarap!”
“Gusto mo ipagtimpla kita niyan tuwing mag-aaral tayo?”
“O sige ba! Salamat Cedrick!”
Gaya ng ipinangako niya, ipinagtitimpla niya ako ng kapeng bigas sa tuwing nag-aaral kami sa bahay nila. Kapag nasa pamantasan kami o kaya ay sa bahay namin kami nag-aaral, nagdadala siya ng maliit na termos na may lamang mainit na kapeng bigas.
Hindi ko maipaliwanag, ba’t nga ba ganon? Sa tuwing kasama ko siya, kakaibang saya ang aking nadarama, na para bang ayaw ko nang matapos ang bawat araw. Oras-oras, bawat minuto, siya ang naging laman ng isip ko, na para bang hindi na magwawakas ang ligayang nadarama ko. Iyon ang inakala ko.
Nang minsang papunta ako sa choir room ng simbahan, narinig kong tinutugtog doon ang piyesang “River Flows In You”. Alam kong siya ang nandoon, sapagkat minsan niya nang tinugtog iyon sa ‘kin, at siya lang ang may kayang tugtugin ‘yun. Dali-dali akong tumakbo papunta sa silid sa pag-aakalang siya lang ang tao doon. Ngunit nang bubuksan ko na ang pinto, narinig ko ang tinig ng isang humahagikgik na babae, kasama ng tinig ni Cedrick. Binuksan ko nang bahagya ang pintuan at sinilip kung sino ang kasama niya. Habang pinagmamasdan ko ang nakangiting mukha ng babae, may sumagi sa aking isipan. Nakita ko na ang babaeng yaon sa mga larawan ni Cedrick noong siya’y musmos pa lamang. Hindi ako maaaring magkamali, siya si Agnes, ang kababata ni Cedrick na minsan na niyang naikuwento sa ‘kin.
Napansin ko mula ng dumating si Agnes sa Maynila, unti-unting nagbago ang pakikitungo sa ‘kin ni Cedrick. ‘Di na ganun kadalas ang pagkikita namin. Bibihira na lang kaming mag-aral nang sabay. Hindi na rin niya ako sinusundo kapag nag-eensayo sa simbahan. Lahat nagbago ng dahil kay Agnes.
Gusto kong itanong sa kanya kung ba’t siya nagkaganun, na para bang binabalewala na niya ako. Hindi naman siya ganun dati. Kailangan kong maliwanagan sa mga nangyayari, kung kaya’t minabuti kong kausapin na siya. Minsan araw ng Linggo, inagahan ko ang pagpunta sa simbahan upang kausapin na siya nang masinsinan. Hindi ko alam kung tama lang bang hingan siya ng paliwanag. Basta, gusto kong marinig ang panig niya kung bakit siya nagkakaganon.
Pagkabukas ko ng pinto ng choir room, laking gulat ko nang bumungad sa ‘kin ang isang tagpo— yakap-yakap ni Cedrick at Agnes ang isa’t isa. Nanlambot ang tuhod ko sa nakita ko. Biglang gumuho ang mundo ko. Tumakbo ako palayo sa silid na ‘yun. ‘Di ko kaya ang sakit. Sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, nadapa ako sa kakatakbo. Naramdaman ko na lang na may humawak sa balikat ko.
“Claire, hayaan mo akong magpaliwanag.”
“’Di mo na kailangang magpaliwanag, malinaw na sa ‘kin ang lahat! Bitiwan mo ako, ayoko nang makita ka pa!”
“Please Claire, pakinggan mo ako!”
“Hindi mo ako kasintahan para pagpaliwanagan kaya umalis ka na!”
Itinulak ko siya gamit ang lahat ng lakas na mayroon ako nung mga oras na ‘yun. Tuluyan na na akong lumabas ng simbahan na mabigat ang pakirandam at umuwi. Para akong pinagsakluban ng lupa at langit!
‘Di ko namamalayang nangingilid na ang luha ko habang nakatingin sa maling kapeng ihinain sa ‘kin. Tuluyan nang umagos ang luha ko nang marinig ko ang piyesang “River Flows In You” na umaalingawngaw sa loob ng patisserie. Napahagulgol na ako sapagkat nanariwa nang tuluyan ang sakit.
“Rice coffee ma’am?”, wika ng isang pamilyar na tinig.
Ang tinig na iyon. Ang malalim na tinig na iyon. At ang samyo niyang nagdudulot ng kakaibang  pakiramdam na dumadaloy na wari’y mo’y hanging amihan na nakakapagpabagyo ng damdamin, nakakabaliw. Nilingon ko ang taong nag-aalok ng kapeng bigas upang patunayan ang aking hinala. Hindi ako nagkamali. Si Cedrick. Isang Cedrick na may kaputian na ang buhok, bakas ang paglipas ng panahon sa kanyang maamo at makisig na mukha, at nakasuot ng puting damit na panluto. Marahil siya ay isa sa mga patissier.
“Kailangan ko nang umalis sa low-class patisserie ninyo. I’ll just send my lawyer for—”
“For what Ms. Clara Torres?” tanong niya habang nakangiti na parang nakakaloko.
“Frustrated murder! Alam mo bang hinainan ako ng eclair! Allergic ako dun! Napakapangit pa ng serbisyo niyo! I ordered for a cup of barako coffee not a cheap rice coffee!”
“Sa pagkakatanda ko wala kang allergies. In fact, eclair is your favorite pastry.”
“Not anymore since graduation! I need to go now.”
Dali-dali kong kinuha ang mga gamit ko at tinungo ang pinto ng patisserie. Ikinandado pala nila ang pinto. Magaling! Nasilo na naman ako sa patibong niya, at isinama pa ang mga tauhan ng patisserie! Wala pa rin siyang ipinagbago. Mapaglalang.
“Twenty-seven years, Claire. Ganun na katagal na ‘di kita nakita. Sa loob ng panahong iyon, ikaw lang ang laman ng puso ko, ang minahal at tanging mamahalin ko. Please, let me show you what I really feel for you.”
“Tama na Cedrick, ayoko nang marinig pa ang mga sasabihin mo. Ayoko nang madagdagan ‘yung sakit na nadama ko ng dahil sa’yo. Maayos na ang buhay ko, please patahimikin mo na ako.”
“Hayaan mong itama ko ang pagkakamali ko. Please Claire.”
“Akala mo ba ganun lang kadali ‘yun? Hindi! Napakasakit ng ginawa mo. Buong akala ko ako ang mahal mo, ‘yun pala hindi. Si Agnes pa rin ang nasa puso mo!”
“Nagkakamali ka! Nung huling araw na nakita mo kaming magkasama ni Agnes, nilinaw ko sa kanya kung anong meron sa ‘min, at kung ano ka sa ‘kin. Mahal kita, Claire.”
Natigilan ako sa sinabing ‘yun ni Cedrick. Naramdaman ko na lang ang init ng yakap niya habang kinukulong niya ako sa mga matitipuno niyang bisig. ‘Di ko mapaliwanag ang nararamdaman ko. Para bang nawala ang isang malaking punyal na nakatarak sa ‘king dibdib. Napakagaan. Tulad ito ng nararamdaman ko nung kami’y nagkakilala, ngunit higit pa. Dinig ko ang tibok ng puso niya sa kanyang dibdib, malakas, mabilis at  may ritmo na tila musika sa ‘king tainga. Ramdam ko rin ang init sa buntong-hiningang ginagawa niya, dumadaloy na parang kuryente sa ‘king kalamnan.
“Hayaan mong mahalin kita, Claire.”
“I will.”
WAKAS

Sunday, July 24, 2011

Let the rain fall... Let the rain fall...

Today is Manila day, so dahil ang school ay sakop ng Manila, walang pasok(TGIF!!!XD..nah,di rin masyado!) I planned na pumunta ng Taguig, pero dahil 'di maganda ang panahon, 'di na naman natuloy(ilang beses na siyang na-postpone, thrice na nga e!) Kaya, nag-aral na lang ako ng Kinetics, but sadly nag-brownout so wala akong choice kundi ihinto yung iginagawa ko. Ayoko ng nakatengga, gusto ko pre-occcupied ako. Then by whims, biniro ko si mama na maliligo ako sa ulan. Ba, sineryoso!haha Di ko akalaing papayaga niya akong maligo kasi noong bata ako never niya akong pinayagang maligo sa ulan. Laging  may dahilan, kesyo ganto, kesyo ganyan. Anyway... Ngayon ko lang na-feel na maligo sa ulan. Grabe ang sarap pala, para siyang drugs na nakakalango, nakakabaliw, nakaka-adik. As the each raindrop touches my skin, grabe , nakakachill!!! Di lang dahil sa temperature, but also dahil sa kakaibang feeling. Ang sarap magbabad, as the rain falls, it gradually washes away my troubles and worries. Sana nga lang walang katapusan ang ulan, makasarili man pero yun ang gusto kong mangyari haang naliligo. Para bang dinadala ako sa isang mundo kung saan walang pangamba, walang takot. Para akong nasa dreamland. Ayoko siyang matapos. Pero ano nga bang magagawa ko 'di ba? There are things that should be ended. Ayos lang, ang mahalaga,  I had one instance in my life na na-enjoy ko ang rain. Dati pinagmamasdan ko lang siya, ngayon na-enjoy ko na!^_^

Wednesday, June 22, 2011

crossroad

Few days ago I just passed through another crossroad of my life. 'Di ko akalaing malalagpasan ko 'yun. Akala ko ma-i-stuck na ako sa gitna. Pero, ngayon ba't parang gusto kong bumalik dun at piliin ang isa pang daan? Ewan ko nga ba. Parang mas makakabuti pa para sa lahat kung yung isang daan na lang ang pinili ko. Ngayong nandito na ako bigla akong nag-karoon ng doubt. Ipinangako ko pa man din na kapag nakalagpas ako sa crossroad, I won't ask "why?" Well, technically, I'm not asking why's but I'm really having doubts. Lately napaka-scatter brain ko, absent minded, makanti lang ng konti bumabalik ako sa dati. Para bang binabalewala ko lahat ng effort ko na magbago for the past 4 years. Ay ewan. Sobrang sabog talaga ng utak ko. Gan'to kasi, pangalanan natin ang first option na road A, at ikalawa naman ay road B. Yung road A,  tuloy sa pag-usad, yun yung next level para ma-upgrade ako academically. Okay, dederetsuhin ko na, yun ung pagpasok sa bagong academic year. Si road B naman, rest(take note rest, not QUITTING!). I could have a time to do "soul searching"(familiar?).  Sa loob ng nakaraang anim na buwan yan ang iniisip ko. Pag si road A ang pinili ko, hindi ako maiiwan, makakasabay ako sa agos, ngunit walang kasiguraduhan kung hanggang saan ako tatangayin ng agos na yaon. 'Pag si road B naman, makakapagpahinga ako, at most 2 orbital rotation ng earth(haha, yoko sabihin ng diretso,pasenxa). Mas malaki ang chance na ma-acheive ko yung long term goal ko na baguhin ang dating ako 'pag Road B ang pinili ko, kaso may maiiwanan ako, at saka masiyadong makasarili. Ngunit eto, ngayong napili ko na si Road A, wala nga akong naiwan, pero sarili ko naman unti-unting nawawala, napeperwisyo yung mga taong inalala kong maiiwan ko,yung mga taong nasa paligid ko. Nagtanong ako sa isang kaibigan, tama lang bang yung Road A ang pinili ko? Tama lang daw, kasi kung 'di ko yun pinili ano lamang ang mangyayari sa mga maiiwan ko. Pero sa mga nangyayari ngayon, ke andun ako o wala walang pinag-iba, kasi andun man ako o wala, ayos lang yung mga taong inalala kong maiiwan ko. Ngayon, gulong-gulo na ang utak ko. I can't make any decision, especially a major decision. Ang pangit mang pakinggan pero, hihintayin ko muna ang mga susunod na mangyayari bago ako gumawa ng isang malaking hakbang. Sa ngayon, kailangan ko munang gampanan ng MAAYOS(problema sa 'kin 'to, haha) ang lahat responsibilidad. Ika nga,ONE STEP AT A TIME.

Monday, December 20, 2010

fireworks



Sa unang bugso ng damdamin
Hindi inakalang ikaw ang nasa tabi
Bawat minuto, bigla na lamang naging mahalaga
Batid lang na ika'y nasa kanyang tabi, siya'y panatag na

Walang kasiguraduhan, bigla-bigla na lamag dumating
Minsan ay kaligayahan, minsan naman pighati ang dulot
Tanong sa sarili, "Ganoon nga ba talaga?"

Unti-unting isinaboy, makukulay at makikinang na talulot ng liwanag
Maiinit na butil ng brilyante, marahang dumapi sa nanlalamig na mukha
Mga alaalang biglang bumalik mula sa kawalan
Lahat pala'y panandalian lamang

Nagdudunungan puso, pagdaka'y naging mahina
Tumingala na lamang sa nagniningning na kalangitan
Hinayaang umagos ang ilog ng pghati sa muling pagkakataon
"Lahat ay dumarating sa takdang panahon at pagkakataon, hindi ba?"

Tulad man 'yon ng isang hanabi, siya ay nagpapasalamat
Pusong inakalang nakapinid ay di namalayang nakalaya
Kanyang pangako, balang araw makakaya niya ring sabihin

Salitang "SALAMAT" at "PAALAM" nang may ngiti.